Sapagka’t ang lahat ng mga pinapatnubayan ng Espiritu ng Dios, ay sila ang mga anak ng Dios.
Si Brad ay may ilang magagandang tanong tungkol sa patnubay ng Espiritu Santo gaya ng pagkalarawan sa Roma 8:14:
Binasa ko ang aklat na Decision Making and the Will of God ni Garry Friesen. Patungkol sa Roma 8:14, ano ba ang ibig sabihin ng pinapatnubayan ng Espiritu Santo? May maibibigay ka bang halimbawa ng pamamatnubay ng Espiritu mula sa Kasulatan o marahil mula sa iyong sariling buhay? May mga panahon bang ang Espiritu Santo ay nagdidirekta sa mga mananampalataya? Maraming mananampalataya, kabilang na ako, ang nag-iisip ng mga pagkakataong naramdaman naming ang Diyos ay nagdirekta sa aming gawin ang isang bagay.
Gustong gusto ko ang aklat ni Friesen. At sang-ayon ako rito. Hindi tayo pinapatnubayan ng Diyos sa pamamagitan ng mga impresyon o pakiramdam. Ginagabayan Niya tayo sa pamamagitan ng Kaniyang Salita.
Ang patnubay ng Espiritu ay tumutukoy sa paggabay ng Salita ng Diyos. Sa kaniyang komentaryo sa Roma, narito ang nakatutulong na komento ni Zane Hodges:
Dito ang mas malawak na konteksto ay nagmumungkahi ng buhay na ayon sa hayag na kalooban ng Diyos na masusumpungan sa Kaniyang Salita. Sa buhay na ganito, “ang matuwid na kahilingan ng kautusan” ay “natupad” sa mananampalatayang lumalakad “ayon sa Espiritu” (tingnan ang 8:4 at ang talakayan dito) (Romans, p. 221).
Siyempre, ito ay nagtataas ng tanong. Sinasabi ba ni Pablong lahat ng mananampalataya ay lumalakad sa Espiritu at tumutupad sa matuwid na kahilingan ng kautusan?
Hindi.
Isang malaking pagkakamali sa interpretasyon ang maunawaan ang mga anak ng Diyos sa Roma 8:14 bilang pantukoy sa lahat ng mga mananampalataya. Ang tinutukoy dito ni Pablo ay ang mga maturong mananampalatayang lumalakad na kasama ng Diyos. Ang komento ni Hodges sa puntong ito ay nakatutulong:
Ang pahayag na ito [“sila ang mga anak ng Dios”] ay hindi nangangahulugang ang mga pinatnubayan ng Espiritu ay mga Cristiano. Hindi rin dapat iugnay ang punto ni Pablo sa inaakalang patunay ng eternal na kaligtasan… Sa liwanag ng turo ni Pablo sa Gal 4:1-7, natural lamang na unawain ang ekspresyong mga anak ng Diyos (huioi Theou) bilang reperensiya sa karanasan sa buhay ng mga nasa gulang na anak na wala sa ilalim ng kautusan. Salungat sa naunang pakikibaka (na nilarawan sa Roma 7:7-25) kung saan ang pinanganak nang muli na panloob na pagkatao ay nagsisikap ngunit bigong tuparin ang kautusan ng Diyos, ang taong pinatnubayan ng Espiritu ay namumuhay ng buhay ng isang nasa gulang na anak na wala na sa ilalim ng kautusan (pansinin lalo na ang 6:14) (Romans, p. 221).
Dito masasagot na natin ang iba pang tanong ni Brad. Kahit pa ang Roma 8:14 ay hindi patungkol sa pagtanggap ng impresyon at ekstrabiblikal na pangunguna ng Espiritu Santo, ginagawa ba Niya ito sa buhay ng mga mananampalataya?
Nakilala ko si Garry Friesen nang taong magturo ako sa Multnomah School of the Bible (ngayon ay Multnomah University). Pinag-usapan namin ang mismong tanong na ito.
Naniniwala si Garry, at gayon din ako, na lahat tayo ay may mga impresyon tungkol sa kung ano ang dapat nating gawin. Ang mga impresyong ito ay mga ideyang taglay natin. Ang mga impresyong ito ay maaring mabuti, mas mabuti, pinakamabuti o masama. Upang masigurong hindi sila masama, dapat silang sukatin laban sa Kasulatan. Halimbawa, kung iniisip ng isang lalaking single na mabuting ideya ang mag-asawa ng hindi mananampalataya, maaari niyang itakwil ito dahil ito ay salungat sa Kasulatan. Kung iniisip niyang mabuting ideya na dayain ang kaniyang mga buwis, ito rin ay masamang ideya.
Kung may impresyon kang hindi pinagbabawal ng Kasulatan, tinatawag ko itong mga opsiyong in-bounds. Ibig sabihin, ang ideyang ito ay hindi pinagbabawal ng Diyos. Ngunit hindi ito nangangahulugang ito ay mabuting ideya at hindi nangangahulugang ito ang pinakamabuting opsiyon.
Upang malaman kung ang ideya ay marapat ituloy, nangangailan ng karunungan mula sa Kasulatan, sa karanasan o sa payo ng iba.
Sabihin nating nais mong pakasalan ang isang napakaganda pero imaturong mananampalatayang hindi nakainom nitong tatlong buwan. Samantalang hindi ito pinagbabawal ng Kasulatan, malabong ito ay wais na desisyon sa puntong ito. Kung makatiis siya ng isa o dalawang taong hindi uminom, ang pakasalan siya ay maaaring mabuting ideya.
Maaaring pakiramdam mo ay dapat mong i-invest ang iyong ipon sa isang penny stock na rekomendado ng iyong kaibigan. Ang karanasan at ang payo ng iba ang magsasabi sa iyong ito ay teribleng ideya kahit pa hindi ito pinagbabawal ng Kasulatan.
Isang madalas na impresyon ay Sa tingin ko ay pinapatnubayan ako ng Diyos na magbahagi sa lalaking mag-isang nakaupo sa bangko ngunit nadala ako ng takot at nilagpasan ko. Ang problema sa pananaw na ito ay lahat ng tao ay nangangailangan ng buhay na walang hanggan. Kung dadalhin ito sa kaniyang lohikal na konklusyon, kailangan tayong tumigil at kumausap sa bawat taong makasalubong natin sa daan. Kung nakatira tayo sa isang malaking lunsod, hindi tayo makararating sa paaralan, sa trabaho, sa simbahan, o kahit saan pa. Titigil tayo basta may makaharap tayong bagong tao. Ang karunungan ay kailangan sa paggamit ng ating oras.
Sinabi ni Friesen, at sang-ayon ako, na maaari nating lingunin ang ating buhay at mag-conclude na marahil ang Diyos ay kumikilos sa likod ng mga pangyayari na siyang nagdala sa atin sa direksiyong ating tinahak. Maaaring gamitin ng Diyos ang ating mga karanasan, ang payo ng mga kaibigan, at ang mga impresyon. Ngunit, babala ni Friesen, hindi natin alam ng oras na iyan na ang desisyong ating ginawa ay mabuti, mas mabuti o pinakamabuti. Ang tanging alam natin ay hindi ito pinagbawal ng Salita ng Diyos. Tanging sa huli (hindsight) natin masasabing ito ay tamang desisyon at ang Diyos ang maaaring nagkilos sa atin sa direksiyong iyan.
May malaking panganib sa pagsunod sa mga impresyon at damdamin. Dapat tayong gabayan ng Salita ng Diyos. Manatiling in bounds (pasok sa Kaniyang kalooban). Habang lumalakad tayo sa Espiritu, gawin mo ang pinakamabuting desisyong magagawa mo.
Gabayan ka ng Salita ng Diyos at mananatili kang nakapokus sa biyaya.