Upang Mahikayat Ang Mga Mahihina

Sa 1 Corinto 9, hinayag ng Apostol Pablo na:

…Sa mga mahihina ako’y nagaring mahina, upang mahikayat ko ang mahihina: sa lahat ng mga bagay ay nakibagay ako sa lahat ng mga tao, upang sa lahat ng mga paraan ay mailigtas ko ang ilan. 23 At ginawa ko ang lahat ng mga bagay dahil sa evangelio, upang ako’y makasamang makabahagi nito (1 Cor 9:22-23).

Ang bantog na pasaheng ito ay madalas tingnan bilang gabay sa ebanghelismo. Ang kaligtasang nilalarawan dito ay tradisyunal na nauunawaan bilang walang hanggang kaligtasan, at ang evangelio ay nauunawaan bilang nagliligtas na mensahe para sa mga hindi mananampalataya. Samakatuwid, ang mga sitas na ito ay madalas gamitin upang sabihin kung paano natin mahihikayat ang mga hindi mananampalataya kay Cristo.

Subalit, hindi sinusuportahan ng konteksto ang layong evangelistiko. Ito ay malinaw kapag pinaliwanag ang mahina sa v22.

Sa nakaraang kabanata, binanggit ni Pablo ang kaniyang gawi sa loob ng simbahan patungkol sa pagkain ng karneng inalay sa mga idolo (8:4). Ito ay isang buto ng pagtatalo sa unang simbahan; pakiramdam ng ilan na kasalanan ang pagkain ng karneng ito, samantalang ang iba ay hindi tutol dito. Sinabi ni Pablo na hindi kasalanan ang pagkain ng karne (v4). Ang mga mananampalataya ay may kalayaan sa lugal na ito. Ngunit, kung ang isang kapatid ay tutol sa pagkain nito, dapat magpigil ang kapatid na ito. Kung may kapatid na kumakain ng karne ang may kasamang kapatid na tutol dito, kailangan ring magpigil ng kumakain. Nilarawan ni Apostol Pablo kung sino ang mahina:

9 Datapuwa’t magsipagingat kayo baka sa anomang paraan ang inyong kalayaang ito ay maging katitisuran sa mahihina. 10 Sapagka’t kung makita ng sinomang ikaw na may kaalaman na nakikisalo sa pagkain sa templo ng diosdiosan, hindi baga titibay ang kaniyang budhi, kung siya’y mahina, upang kumain ng mga bagay na inihain sa mga diosdiosan? 11 Sapagka’t sa pamamagitan ng iyong kaalaman ay napapahamak ang mahina, ang kapatid na dahil sa kaniya’y namatay si Cristo. 12 At sa ganitong pagkakasala laban sa mga kapatid, at sa pagkakasugat ng kaniyang budhi kung ito’y mahina, ay nangagkakasala kayo laban kay Cristo. 13 Kaya, kung ang pagkain ay nakapagpapatisod sa aking kapatid, kailan man ay hindi ako kakain ng lamang-kati, upang ako’y huwag makapagpatisod sa aking kapatid (1 Cor 8:9-13, may dagdag na diin).

Ang mahina sa pasaheng ito ay ang mga mananampalataya sa Corinto na nakikibaka sa pagkain ng mga karneng inihandog sa mga idolo. Hindi tinatalakay ni Pablo ang mga hindi mananampalataya. Nilalarawan niya ang gawi sa loob ng simbahan. Si Pablo ay halimbawa ng isang mananampalatayang handang isuko ang ilang kalayaan (8:4-6; 10:23-25) upang makapaglingkod sa Katawan ni Cristo. Kapag si Pablo ay kasama ng ganitong mga kapatid, siya ay nagpipigil sa pagkain ng karne sa takot na matisod at magkasala ang mga kapatid na ito kay Cristo.

Si Pablo ay naging lahat na bagay sa mga nasa simbahan upang iligtas ang ilan sa kanila sa kapahamakan (tingnan din ang 10:31-33). Ang kapahamakang ito ay hindi tumutukoy sa walang hanggang kaligtasan dahil ang kausap ni Pablo ay mga mananampalataya. Sa halip, nilalarawan niya ang espirituwal na kalusugan ng isang mahinang kapatid. Ayaw niyang mahulog siya sa kasalanan at kapahamakan dahil hindi handa si Pablong isantabi ang kaniyang mga preperensiya.

Ito ay sumasalamin sa mensahe ng buong sulat. Ang simbahan sa Corinto ay nakikibaka sa kasalanan. Ang kanilang makalamang gawi, imaturong ugali, paglalaban-laban sa bawat isa, at kapalaluan ay nagdadala sa kanila sa kapahamakan. Nais ni Pablong maging malusog espirituwal ang simbahan sa Corinto sa harap ng Hukuman ni Cristo at maligtas mula sa negatibong karanasan sa araw na iyon. Ito ay masasalamin sa mga salita ng apostol sa mga sumusunod na sitas; ibinigay niya ang kaniyang sarili bilang isang halimbawa ng tumatakbo sa Cristianong pamumuhay sa paraang hindi madidiskwalipika sa Hukuman ni Cristo (9:24-26). Ang mga mananampalataya sa Corinto ay kailangang maligtas sa ganitong paraan. Sa madaling salita, tinatalakay ni Pablo ang sanktipikasyon ng mga mananampalataya sa Corinto, hindi ang walang hanggang kaligtasan ng mga hindi mananampalataya.

Ginagawa ito ni Pablo alang-alang sa evangelio (9:23). Ang salitang evangelio sa Kasulatan ay maaaring tumukoy sa maraming bagay, hindi lamang sa nagliligtas na mensahe ng buhay na walang hanggan sa pamamagitan ng pananampalataya lamang. Kabilang sa mabuting balita sa 1 Corinto ang nalalapit na pagkabuhay na maguli ng mga mananampalataya, at ang gantimpala ng mga matiyagang nag-iingat ng mga aral (3:15; 9:24-26; 15:1-2, 39-41, 58). Ito ay masasalamin sa dagliang konteksto ng kabanata 9, nang ipaliwanag ng Apostol Pablo na dinidisiplina niya ang kaniyang sarili upang siya ay aprubahan ng Panginoon at tumanggap ng hindi nasisirang putong (v24-26).

Hindi sinasabi ni Pablong siya ay naging lahat ng bagay upang ang mga hindi mananampalataya ay maligtas mula sa impiyerno. Sa halip, nilalarawan niya ang kaniyang gawi sa simbahan upang mas maigi niyang mapaglingkuran ang mga kapwa mananampalataya. Gusto niyang mahikayat sila at maging malusog espirituwal. Ito ay paalala sa atin na samantalang ang Simbahan ay tinawag upang mahalin ang hulog na sanlibutan, hindi natin dapat kalimutang ang ating pangunahing tungkulin ay sa bawat isa (Gal 6:9-10).

Get Grace in Focus in your inbox

Share
Post
Email